Mga Tula Sa Filipino
TO commemorate the birthday of Pres. Manuel L Quezon and also to celebrate the month of Filipino, here are two poems:
ANG KAPANGYARIHAN NG SALITA
Ryan Reyes
Ang isang salita’y lubhang makapangyarihan
Dahil sa pamamagitan ng mga salita
Maaari kang tingalain ng karamihan
O kaawaang masahol pa sa maralita
Kaya nitong maghandog sa iyo ng papuri
At maaari ring yurakan ang iyong dangal
Kaya nitong magtangi sa iyo ng taguri
At maaari ring pagmukha kang isang hangal
Kaya mong magpakilos ng libu-libong tao
O kaya’y hadlangan ang kanilang simulain
Kaya mong magbigay ng liwanag o prinsipyo
O kaya’y ilukob sa dilim ang ‘sang damdamin
Kaya mong lumipad, marating saanmang dako
Kaya mong kulayan ang ganap na kaputian
Kaya mong maisakatuparan ang pangako
Kaya mong iwaksi ang lubos na kadiliman
Sabi nga nila’y ang pagkilos ay mas malakas
Kaysa mga salita, sila’y mas tumatatak
Ngunit hindi ba ang panitik ay mas matalas
Kaysa pinanday ngang napakatalim na tabak?
Kaya ang salita’y huwag mong mamaliitin
Sapagkat hamak man ito’y hindi padadaig
Sa isang salita lang na iyong babanggitin
Ay kaya nitong baguhin ang buong daigdig
AKO’Y ISANG MANUNULAT
Ryan Reyes
Ako’y isang manunulat ng anumang katha
Ng sanaysay at ng liriko ng mga tula
Sa isipan ay lumalangoy ang mga likha
At hindi makapaghintay na mailathala
Ako’y may plumang hawak nang ako’y isinilang
Sa daigdig na ito, sadyang napakakulay
Matagal kong ninais na ako’y mapabilang
Sa mga manunulat na siyang nagsilbing tulay
Mata ko’y nakamulat, bibig ko’y nakabukas
Ngunit ang lahat ay idadaan sa pagsulat
Na siyang sandata, ang aking kakayahang likas
At siyang tanging saksi sa aking mga inuulat
Masasabi kong wala akong inuurungan
Aking mga salita’y kasintalas ng punyal
Tanging malinis na papel, aking kahinaan
Aking mga salita’y doon ko ikikintal
Ang maging isang manunulat ay karangalan
Sapagkat ang isa ay puno ng kabuluhan
Ang mundo’y isisigaw ang buo mong pangalan
Magsilbi kang tanglaw sa gitna ng kaguluhan
At nasa iyong mga kamay nakasalalay
Kung ano ang ipaparating, ipapamulat
Kung saan mo sila dadalhin o ilalakbay
Sa bawat pahina na kanilang ibubuklat
Kaya ang pagsusulat ang gawaing napili
At siya na ring libangan ng puso kong sawi
Nais ko itong sining sa diwa’y manatili
At ang kalungkutan ng mundo’y kanyang mapawi
Isa ako sa mga makabagong makata
Pinanday ng panahon at sa bakal hinasa
Nawa’y ang nilalaman nitong mga talata
Ay maihatid sa aking mga mambabasa











